Maliban sa impluwensiyang Masón sa Katipúnan, nag-uugat ang disenyo ng bandila ng Pilipinas sa magkakamag-anak na bandilang kinabibilangan nito—ang sa hulíng pangkat ng mga kolónyang kinabibilangan ng Pilipinas na naghahangad ng kalayaan mula sa Imperyong Español sa pagsasara ng ika-19 na siglo.
- Ang kulay pula, puti at asul ay mga kulay ng bandila ng Estados Unidos. Ang iba pang elementong kaugnay dito ay mula naman sa bandila ng Estado ng Texas.
- Maraming elemento ang naging inspirasyon ng bandila ng Pilipinas sa bandila ng Cuba, na naunang humiwalay sa Imperyong Espanyol. Ang tatsulok, isang simbolong masón na nagpapahayag ng kalayaan, pagkakapantay, at pagkakapatiran, na siyang mga ideal ng Himagsikang Pranses. Ang kulay na pula ay tumutukoy naman sa dugong inialay ng mga makabansa ng Cuba. Maraming pagkakatulad ang mga bandila ng Pilipinas, Cuba at Puerto Rico. Naghangad ang tatlong bansang ito ng kalayaan mula sa Imperyóng Españól sa pagsasara ng ika-19 na siglo, at may matalik na kaugnayan sa himagsikang republikano na nagsilang sa Estados Unidos ng Amerika.
- Ang elemento ng disenyo ng ating bandila ay mababakas din sa mga bandilang pandagat na ginamit sa mga daungang Español noong mga unang panahon. Kapwa nagtaglay ng mga bandilang pandagat ang Maynila at Iloilo—ang mga pangunahing daungan sa mga isla noong 1850—na ginagamit sa paglalayag sa mga dagat ng Pilipinas. May mga nagsasangang buntot ang mga bandilang pandagat kapwa ng Maynila at ng Iloilo; nagtatampok ito ng hugis-V na tulad ng buntot-pakpak ng ibong swallowtail—at may mga stripe na asul at pula.
- Ginamit naman ni Heneral Pio del Pilar ang matingkad na pula sa anyong swallowtail, at nagdagdag ng isang puting tatsulok na may tatlong K sa bawat sulok na sumisimbolo sa Katipunan. Sa pinakagitna ng tatsulok kauna-unahang inilagay ang araw na may walong silahis sang-ayon sa bandilang mapanghimagsik, at kumakatawan sa unang walong lalawigan sa Luzon na nag-alsa laban sa España. Ang araw na mitiko ay ginamit din sa mga bandila ng nga republika ng Amerika Latina na tulad ng Arhentina, Peru, at Uruguay.
Adapted from "The Origins of the Symbols of the National Flag" published in Malacanang website.