BayaningFilipino

Mga Talambuhay ng mga Makabayang Pilipino .

Talambuhay ni Miguel Malvar



Si Miguel Malvar ang huling Pilipinong heneral na sumuko sa mga Amerikano. Ipinanganak siya sa Barrio ng San Miguel, Sto. Tomas, Batangas, noong Setyembre 27, 1865, kay Maximo Malvar at Tiburcia Carpio.

Nag-aral si Miguel Malvar sa pribadong paaralan ni Fr. Valerio Malabanan, ang sikat na maliit na institusyon kung saan galing ang ilan sa mahuhusay na tao mula sa Batangas. Tapos lamang siya ng ikalawang taon sa Latinidad, dahil hindi siya masyadong mahilig sa mga libro.

Di-nagtagal matapos siyang tumigil sa pag-aaral, nagpakasal siya kay Paula Maloles, ang anak ng kapitan ng munisipyo at may-ari ng ilang negosyo. Nakuha niya ang malalaking lupain malapit sa Mt. Makiling at manokan sa Sto. Tomas. Ang kapatid ni Jose Rizal na si Saturnina ay naging kasosyo niya sa negosyo.

Naging isang gobernadorcillo si Malvar noong 1892. Sumali siya sa Katipunan at sa pagsiklab ng rebolusyon ay pinamunuan niya ang isang maliit na puwersa laban sa militar ng Espanyol sa Tagaytay, Batangas. Ang kanyang ama ay naaresto at pinahirapan, ngunit nagawa niya itong mailigtas. Matapos nito, siya at ang kanyang mga tauhan ay tumakas sa Tagaytay at sumali sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Cavite.

Ipinadala siya ni Aguinaldo upang magtanggol sa tulay ng Zapote kung saan nakipaglaban siya kasama si General Edilberto Evangelista, na namatay sa labanan. Ito ay itinuturing na isa sa mga matitinding balakid ng rebolusyon. Pagkatapos ng pakikipaglaban sa Zapote, nakipaglaban siya sa Indang, Bailan, Magallanes at Alfonso. Noong Marso 31, 1897, itinaas ang kanyang katungkulan bilang tenyente heneral. Sa organisasyon ng rebolusyonaryong gubyerno at ng pamahalaang pampook ng Batangas, siya ay itinalagang pinuno ng lalawigan.

Nang ang Kasunduan sa Biak-na-Bato ay nilagdaan noong Disyembre 1897, paulit-ulit pa niyang nilabanan ang mga kaaway sa kanyang lalawigan. Ngunit sa pagsunod sa kasunduan, sumama siya at ng kanyang pamilya kay General Aguinaldo at iba pang mga rebolusyonaryong lider sa pagpapatapon sa Hong Kong.

Pinili siya bilang unang cashier administrator sa mga pondo ng rebolusyonaryo. Mga isang buwan pagkatapos ng pagbabalik ni Aguinaldo sumunod siya kasama ang may 2,000 na riffles. Nang pinangalanan siya bilang commanding general sa katimugan ng Luzon, inorganisa niya ang mga pwersa sa mga lalawigan ng Batangas, Mindoro at Tayabas. Itinatag niya ang kanyang punong tanggapan sa Lipa, at responsable sa samahan ng mga ekspedisyon ng militar sa Mga Isla ng Visayas.

Matapos ang pagsiklab ng Digmaang Pilipino-Amerikano, siya ay hinirang na brigadier general noong Marso 1899. Nakipaglaban siya sa mga pwersang Amerikano sa Muntinlupa, San Pedro Tunasan, Kalamba at Kabuyaw. Pagkatapos ay hinirang siya bilang division general at chief of the second zone in command.

Matapos mahuli si Heneral Aguinaldo, siya ang naging bagong commander-in-chief ng mga pwersang Pilipino. Sa isang manifesto para sa sambayanang Pilipino, na may petsang Hulyo 31, 1901, hinihimok niya ang pagpapatuloy sa paglaban sa mga pag-atake ng Amerika.

Ngunit ang paglaban sa mas malakas na kaaway ay naging mahirap para sa puwersa ni Malvar. Nilipon ng mga militar ng Amerika ang mga sibilyan sa kanilang military zone. Sinunog nila ang mga nayong laban sa kanilang pananakop kasama ang mga pananim at hayop. Ang kanilang pangunahing layunin ay gutumin ang mga gerilya. Bilang resulta, ang mga lider ng gerilya ay nahuli o napilitang sumuko. Noong Oktubre 1901, sumuko si General Juan Climaco at Arcadio Maxilom sa Cebu, General Quintin Salas sa Iloilo. Nahuli si General Vicente Lukban sa Samar noong Pebrero 27, 2902. Nang sumunod na buwan, sumuko si General Mariano Noriel sa Cavite.

Gayunpaman, nadama ni Malvar na maipagpapatuloy niya ang laban para sa kalayaan ng kanyang bansa, kahit pa ang kanyang mga tauhan ay nabawasan at ang kanilang mga armas at mga sandata ay unti-unting naubos. Dagdag pa dito ang gutom, pagod at pagkakasakit dahil sa tuloy-tuloy na pagmamartsa sa kagubatan habang ang mga sundalong Amerikano ay patuloy na tumutugis sa kanila.

Nagpadala ang mga Amerikano ng mapayapang mga mamamayan mula sa Lipa, Batangas upang hikayatin siya na sumuko. Kasama ang kanyang pamilya at payat na payat na mga sundalo, tumungo siya sa tanggapan ni General Franklin J. Bell at sumuko noong Abril 16, 1902. "Sumusuko ako", ipinahayag niya, "dahil ang aking pamilya at mga kaibigan na kasama ko, lahat ay may sakit,  gutom at nagdurusa. Ang aking mga anak at ang aking asawa ay nagdusa sa lahat ng uri ng kahirapan."

Bilang pagkilala sa kanyang kapansin-pansin na tapang at pagkamakabayan, binigyan siya ng awtoridad ng Amerika ng isang marangal na pakikitungo. Siya ay hindi pinabilanggo o ipinatapon. Pinahintulutan siyang umuwi at mamuhay nang payapa kasama ng kanyang pamilya at mga kasamahan. Siya ay muling sumabak sa agrikultura at komersyo. Kalaunan siya ay inialok sa pagka-gobernador ng Batangas ngunit magalang niya itong tinanggihan.

Namatay siya sa sakit sa atay sa Maynila noong Oktubre 13, 1911, sa edad na 46. Ang kanyang mga labi ay dinala sa Santo Tomas, Batangas at inilibing na may mataas na parangal mula sa militar.