Si Manuel Luis Quezon ay kilala bilang “Ama ng Wikang Filipino.” Tinagurian ding “Ama ng Republika ng Pilipinas”, siya ang naging unang Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaang Amerikano noong simula ng ika-20 siglo. Bagamat hindi kinilala ng ibang bansa ang naunang Republica Filipina na siyang pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio Aguinaldo, si Quezon ay itinuturing ng mga Filipino bilang ikalawang Pangulo lamang ng bansa, sumunod kay Aguinaldo. Si Quezon ay tinatawag ding “Ama ng Republika ng Pilipinas” at “Ama ng Kasarinlang Pilipino” dahil sa kanyang mga ginawa upang isulong ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa pamahalaang Amerikano.
Ang mestiso Espanyol na si Manuel Luis Quezon ay ipinanganak noong ika-19 ng Agosto, 1877 (bagamat ang kanyang opisyal na kaarawan ay ang ika-19 ng Agosto, 1878) sa Baler, Tayabas (ngayon ay nasa lalawigan na ng Aurora), kina Lucio Quezon, isang guro mula sa Paco, Manila, na isa ring retiradong sarhento sa sandatahang kolonyal ng Espanya, at Maria Dolores Molina, isa ring guro sa kanilang bayan.
Tinuruan siya ng isang pribadong guro mula 1883 hanggang 1887; pagkatapos ay pumasok siya sa San Juan de Letran kung saan siya nagtapos sa sekondarya noong 1889. Namatay ang kanyang ina sa sakit na tuberkulosis noong 1893, bago siya nagtapos ng summa cum laude sa kursong Bachelor of Arts sa Unibersidad ng Sto. Tomas (UST) noong 1894. Noong 1898, ang kanyang amang si Lucio at kapatid na si Pedro ay tinambangan at pinatay ng mga armadong kalalakihan noong pauwi sila ng Baler galing ng Nueva Ecija, dahil sa kanilang katapatan sa pamahalaang Espanyol.
Nag-aral si Quezon ng abogasya sa UST, ngunit pansamantalang natigil ito nang sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Sumanib si Quezon sa kilusang rebolusyonaryo at nagsilbi bilang aide-de-camp ni Emilio Aguinaldo mula 1899 hanggang sa nabihag si Aguinaldo ng mga Amerikano noong 1901. Pagkatapos ng digmaan, tinapos niya ang kursong abogasya sa UST at nakakuha siya ng pang-apat na puwesto sa Bar Exams noong 1903. Nagtrabaho muna siya bilang isang clerk at surveyor bago naglingkod sa gobyerno bilang fiscal ng Mindoro noong ika-19 ng Setyembre, 1903, at di kalaunan ay naging fiscal siya ng Tayabas noong Marso 1904. Sa maikling panahong fiscal siya ng Tayabas, naghain siya ng 25 na kasong estafa laban kay Frank J. Berry, isang impluwensiyal na abogado at manlilimbag na Amerikano, bago siya nagbitiw sa tungkulin noong Nobyembre 1904 at pumasok sa private practice mula 1904 hanggang 1906.
Noong ika-13 ng Hulyo 1906, ibinaba ng Korte Suprema ang hatol sa kasong U.S. vs. Querijero (G.R. No. L-2626), na nagsasabing noong pinatay ang ama at kapatid ni Quezon, ang mga salarin ay mga sundalong rebolusyunaryong lumalaban sa Espanya at ang pagpaslang ay alinsunod sa utos ng nakatataas na opisyal at ginawa para sa mga layunin ng himagsikan.
Pulitika
Noong 1906, si Quezon ay inihalal bilang konsehal at kalaunan ay bilang Gobernador ng Tayabas. Noong ika-25 ng Hulyo 1907, nagbitiw siya bilang Gobernador at tumakbo para sa Philippine Assembly. Mula 1907 hanggang 1909, siya ay naging miyembro ng Philippine Assembly, at Majority Floor Leader at Chairman ng Appropriations Committee. Noong 1909, siya ay inihalal ng Lehislatura ng Pilipinas bilang resident commissioner sa Kongreso ng Estados Unidos.
Bilang resident commissioner, maaaring magsalita at sumali si Quezon sa talakayan, ngunit wala siyang karapatang bumoto. Gayunpaman, masigasig si Quezon sa pagsusulong ng kagustuhang lumaya ang Pilipinas. Pagkatapos ng isang talumpati sa Tammany Hall para sa Fourth of July noong 1911, sinabi ni Quezon sa New York Times na “Kami ay nagpapasalamat kay Ginoong Taft at sa mga Amerikano para sa kanilang mga ginawa para sa amin, ngunit ayaw naming maging isang kolonya. Gusto namin ng kalayaan.”
Bilang sagot sa inilathala ng New York Times na “Philippines the Key to our Success in the Far East”, sinabi ni Quezon (nailathala sa NY Times noong ika-15 ng Setyembre 1912), “Panahon na para sa mga tumitingin sa Pilipinas bilang isang negosyo, na lumantad at sabihin ito kapag kanilang sinusulong ang pananatili ng mga isla bilang sakop ng Amerika, sa halip na tabunan ang kanilang totoong hangarin ng mga dahilang nakakainsulto sa pambansang dangal ng mga Pilipino. Huwag nilang sabihin na ang Estados Unidos ay nananatili sa Pilipinas hindi dahil sa gusto nitong magpalawak ng teritoryo, hindi dahil sa naghahangad itong kumita, kundi upang bigyan ang mga isla ng isang mabuti at matalinong Pamahalaan, na hindi kayang itatag at panatilihin ng mga Pilipino ng kusa.”
Noong 1916, iniuwi ni Quezon sa Pilipinas ang Batas Jones, na nangangakong kikilalanin ang kasarinlan ng mga Pilipino.
Senado
Si Manuel L. Quezon ay inihalal bilang Senador ng Ikalimang Distrito noong 1916 at naging Pangulo ng Senado hanggang 1935. Umabot ng labinsiyam na taon ang kanyang pagiging Pangulo ng Senado.
Noong ika-9 ng Disyembre, 1918, naglayag si Quezon patungong Amerika bilang pinuno ng unang Independence mission sa Kongreso ng Estados Unidos. Dumaan muna siya ng Hongkong, kung saan pinakasalan niya ang kanyang pinsang-buo na si Aurora Aragon y Molina noong ika-17 ng Disyembre. Sila ay biniyayaan ng apat na supling, si Maria Aurora (“Baby”) (1919-1949); Maria Zeneida (“Nini”) (1921-); Luisa Corazon Paz (“Nenita”) (1923-1923); at Manuel L., Jr. (“Nonong”) (1926-1998).
Ika-10 ng Mayo, 1920, nang unang magtalumpati si Quezon sa harap ng Kongreso ng Estados Unidos. Kasama sa talumpati niya ang mga katagang “Sa kabila ng lahat, nais pa rin namin ng kasarinlan”, at “Kung ang nakatakdang kapalaran ng aking bansa ay ang maging sakop ngunit mayaman, o ang maging malaya ngunit mahirap, walang pag-aalinlangang pipiliin ko ang huli.”
Noong 1922, kinuwestiyon ni Quezon ang aniya’y “unipersonal leadership” ni Tagapagsalitang Sergio Osmena, kung ihahambing sa tinatawag na “collective leadership” na kanya namang itinataguyod. Noong ika-24 ng Pebrero 1922, umalis si Quezon sa Partido Nacionalista, kung saan kasapi din si Osmena, at ang kanyang sabi: “Ang partido ay hindi kailanman naging at hindi kailanman magiging ang bayan. Ang aking katapatan sa aking partido ay natatapos kung saan ang aking katapatan sa aking bayan nagsisimula.” Nanatili si Quezon bilang Pangulo ng Senado, at si Osmena naman ay naging Pangulo ng Senado Pro Tempore.
Matapos naihalal si Warren Harding bilang Pangulo ng Estados Unidos noong 1920, si Francis Burton Harrison ay pinalitan ni Leonard Wood bilang Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Si Gobernador-Heneral Wood ay nagpairal ng mga patakarang sa paningin ng mga Pilipino ay masyadong marahas. Noong 1923, panahon ng pangangampanya para sa espesyal na halalan para sa ikaapat na senatorial district (sakop ang Manila at mga karatig-lalawigan), si Jose P. Laurel, na noo’y Kalihim ng Kagawarang Panloob, ay nagbitiw sa tungkulin bilang protesta sa aniya’y pangingialam ni Wood sa kanyang kagawaran. Ang Partido Democrata, na siyang nasa oposisyon, ay nangako namang makikipagtulungan kay Wood. Tinawag ni Quezon na Americanistas ang Partido Democrata. Ayon sa kanya, ang isang boto para sa kandidato ng partidong iyon ay isang botong laban sa kasarinlan ng Pilipinas, at ika pa niya’y: “Mas gugustuhin ko pa ang isang bayang pinamahalaang parang impiyerno ng mga Pilipino, kaysa sa isang bayang pinamahalaang parang langit ng mga Amerikano, sapagkat gaano man kasama ang isang pamahalaang Pilipino ay magagawa nating baguhin.”
Noong 1931, ang Misyong OsRox na pinamunuan nina Sergio Osmena at Manuel Roxas ay tumungo ng Estados Unidos upang isulong ang hangaring kasarinlan. Iniuwi nila ang Batas Hare-Hawes-Cutting, na mariin namang tinutulan ni Quezon sa dahilang naglalaman ito ng kondisyong mananatili pa rin sa Pilipinas ang mga base militar ng Amerika matapos maipahayag ang kasarinlan. Bagamat ang Batas Hare-Hawes-Cutting ay naaprubahan na ng Kongreso ng Estados Unidos, ito ay ibinasura naman ng Lehislatura ng Pilipinas noong Oktubre 1933. Pagdating ng Nobyembre 1933, tumulak na si Quezon patungong Washington. Iniuwi niya noong 1934 ang Batas Tydings-McDuffie, na hindi na naglalaman ng kondisyon ukol sa mga base militar ng mga Amerikano, at ito ay inaprubahan ng Lehislatura ng Pilipinas.
Noong ika-30 ng Hulyo, 1934, pormal na sinimulan ang Constitutional Convention, at noong ika-14 ng Mayo 1935, pinagtibay na ang Saligang Batas ng 1935.
Pagka-Pangulo
Si Quezon ay tumakbo sa unang halalan sa pagka-Pangulo ng Pilipinas noong Nobyembre 1935 at nanalo siya laban kay Emilio Aguinaldo (dating Pangulo ng Rebolusyunaryong Republica Filipina, na dati ay pinagsilbihan niya bilang aide-de-camp), at Gregorio Aglipay.
Sa kanyang unang termino bilang Pangulo, si Quezon ay nakipagtulungan kay High Commissioner Paul V. McNutt ng Estados Unidos upang mapadali ang pagpasok sa Pilipinas ng mga Hudyong tumatakas sa mga rehimeng pasista sa Europa. Isinulong din ni Quezon ang isang proyekto upang makapanirahan sa Mindanao ang mga takas na Hudyo.
Mula 1901 hanggang 1935, bagamat isang Pilipino ang palaging nahihirang bilang Punong Mahistrado, mga Amerikano ang karamihan sa mga miyembro ng Mataas na Hukuman (Supreme Court). Ang ganap na Pilipinisasyon ng Hukuman ay nakamtan lamang nang itatag ang Commonwealth ng Pilipinas noong 1935, nang si Quezon, bilang Presidente, ay mabigyan ng kapangyarihan upang maghirang ng kauna-unahang Mataas na Hukuman na ang lahat ng miyembro ay Pilipino. Kabilang sa mga unang itinalaga ni Quezon upang pumalit sa mga Amerikanong mahistrado ay sina Claro M. Recto at Jose P. Laurel. Ang bilang ng miyembro ng Hukuman ay dinagdagan at ginawang labing-isa: isang Punong Mahistrado at sampung Katulong na Mahistrado, na umupo ng en banc o di kaya sa dalawang Sangay na may tiglilimang miyembro.
Noong 1935, ang dating Chief of Staff ng Estados Unidos na si Heneral Douglas MacArthur, na matagal nang kakilala ni Quezon, ay bumalik sa Pilipinas bilang tagapayo ng Commonwealth tungkol sa sandatahan. Naatasan si MacArthur upang bumalangkas ng isang national defense plan at upang itatag at sanayin ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Nang magretiro si MacArthur sa Sandatahan ng Estados Unidos noong 1937, kaagad na inalok siya ni Quezon ng isang posisyon bilang Field Marshal.
Noong 1936, inilabas ni Quezon ang E.O. No. 23, na naglalaman ng technical description at detalyadong espisipikasyon ng watawat ng Pilipinas.
Pagdating ng Enero 1937, itinayo ni Quezon ang Surian ng Wikang Pambansa, na naglalayong lumikha ng isang pangkalahatang pambansang wika para sa mga Pilipino. Noong Nobyembre 1937, inirekomenda ng Surian na gawing pambansang wika ang Tagalog, kung kaya noong ika-30 ng Disyembre 1939 ay idineklara ni Quezon na Tagalog ang magiging pambansang wika ng Pilipinas. Noong Hunyo 1940 naman, iniutos niyang ituro ang pambansang wika bilang isa sa mga asignatura sa mga paaralan.
Masigasig na isinusulong ni Quezon ang panlipunang katarungan o social justice, kung kaya minsan ay kanyang winika: “Ang panlipunang katarungan ay higit na mas makatutulong kapag ang ginamit na batayan ay ang damdamin at pang-unawa at hindi ang batas.” Noong 1937, nilagdaan ni Quezon ang kauna-unahang batas para sa minimum wage sa Pilipinas. Noong taon ding iyon, unang bumoto ang kababaihang Pilipino sa isang plebisito tungkol sa karapatan ng mga babaeng bumoto o ang tinatawag na women’s suffrage.
Noong ika-12 ng Oktubre, 1939 naman, nilagdaan ni Quezon ang Batas Commonwealth 502, na lumikha ng isang lungsod sa Diliman, na nasa dakong labas ng Manila. Ang lungsod na kanyang itinatag at pinagyaman upang maging kabisera ng bansa, kalaunan ay ipinangalan sa kanya – ang Lungsod ng Quezon.
Ang orihinal na termino ni Quezon na anim na taon bilang Pangulo ay pinahaba sa pamamagitan ng pag-amiyenda ng Saligang Batas, kung kaya’t nagsilbi pa siya ng karagdagang dalawang taon bago siya nahalal muli bilang Pangulo noong Nobyembre 1941.
Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang Pamahalaang Desterado
Noong ika-8 ng Disyembre, 1941, bago pa lamang naihalal si Quezon sa kanyang ikalawang termino bilang Pangulo nang inatake ng bansang Hapon ang Pearl Harbor sa Hawaii. Kasunod ay ang pag-atake sa iba’t ibang mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nang salakayin ng mga Hapones ang Pilipinas, lumikas si Quezon sa Corregidor, kung saan siya muling nanumpa bilang Pangulo noong ika-30 ng Disyembre, 1941, sa harap ng Malinta Tunnel. Nang sumunod na buwan, napilitan si Quezon na lumikas ng Corregidor papuntang Visayas lulan ng isang submarino, at mula doon ay sa papuntang Mindanao. Alinsunod sa imbitasyon ng gobyerno ng Estados Unidos, siya ay inilikas papuntang Australia at kalaunan sa Estados Unidos, kung saan niya itinayo ang pamahalaang desterado (government in exile) ng Commonwealth ng Pilipinas, na ang punong-tanggapan ay nasa Washington, D.C. Doon ay nagsilbi siya bilang miyembro ng Pacific War Council at isinulat niya ang sariling talambuhay, ang “The Good Fight” o “Ang Mabuting Pakikipaglaban”, na inilathala noong 1946.
Ika-14 ng Hunyo 1942, sa White House sa Washington D.C., nang lagdaan ni Quezon ang United Nations Declaration sa ngalan ng Pilipinas. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang watawat ng Pilipinas ay itinaas kasama ang watawat ng ibang mga bansa, at bagamat isa lamang Commonwealth ay kinilala na ng ibang bansa sa pag-asang makakamtan din nito ang ganap na kasarinlan.
Namatay si Quezon sa sakit na tuberculosis noong ika-1 ng Agosto 1944 sa Saranac Lake, New York. Una siyang inilibing sa Maine Memorial sa Arlington National Cemetery sa Washington D.C., pagkatapos ay hinukay muli ang kanyang mga labi at isinakay sa USS Princeton, at muling inilibing sa Manila North Cemetery noong ika-1 ng Agosto 1946. Kalaunan, ito ay inilipat sa Manuel Quezon Memorial Shrine, sa loob ng bantayog sa Quezon Memorial Circle sa Lungsod Quezon, noong ika-19 ng Agosto 1979, araw na sana’y kanyang naging ika-102 kaarawan.
Nakaukit sa kanyang huling himlayan ang mga katagang:
"Statesman and Patriot, | Lover of Freedom, | Advocate of Social Justice, | Beloved of his People." (Mahusay na tagapamahala at bayani,| Mapagmahal sa kalayaan,| Tagataguyod ng panlipunang katarungan,| Minamahal ng kanyang bayan.)
Noong ika-23 ng Setyembre 1955, idineklara ni Pangulong Ramon Magsaysay ang ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon bilang Linggo ng Wika. Ang selebrasyon nito ay palaging nagtatapos sa kaarawan ni Quezon, ang taong unang nagsulong ng paglikha ng isang pambansang wika.
Noong ika-15 ng Enero 1997, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang buong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika.
Ika-28 ng Abril 2005 nang iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ang mga labi ng dating Unang Ginang Aurora Aragon Quezon, na tinambangan at pinatay sa daan patungong Bongabon sa Nueva Ecija noong ika-28 ng Abril 1949, ay hukayin sa dati nitong pinaglibingan at ilibing muli sa Quezon Memorial katabi ng mga labi ng kanyang asawang si Pangulong Manuel L. Quezon.